IMMIGRANTS STORY: Salamat sa Iyo, Tita Cory

THE LATE PRESIDENT CORAZON SUMULONG COJUANGCO AQUINO
By AMANCIO “JOJO” LIANGCO
Kamakailan lamang (August 1, 2021) ay ginunita ng marami ang 12th death anniversary ng dating pangulong Corazon C. Aquino. Si Pangulong Aquino ang tumayong simbolo at lider ng panunumbalik ng demokrasya sa Pilipinas noong 1986 sa pamamagitan ng EDSA People Power Revolution. Sa maraming Pilipino, bilang paggalang at pag-idolo, we affectionately call her “Tita Cory.”
Sa kanya nanggaling ang mga salitang “Ako’y nagpapasalamat sa Panginoong Diyos na ginawa niya akong isang Pilipino.” Sinabi niya ito noong September 2008. Marahil karugtong ito ng winika ni Ninoy Aquino, ang kanyang yumaong asawa— “The Filipino is worth dying for.”
Sa kanyang pagpanaw noong Agosto 2009 ng madaling araw sa Pilipinas, maraming mga tao ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay, pagdadalamhati at pasasalamat kay Tita Cory. Kapansin-pansin din ang panunumbalik sa diwa at alaala ng mga naganap noong 1983-1986 sa Pilipinas, ang malawakang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.
Isa ako sa naging mapalad na makausap si Tita Cory minsang pumunta siya sa Amerika. At hindi ko makakalimutan ang pagkakataong iyon, kahit sandali lamang ito. Papaano ako nagkaroon ng pagkakataong makausap si Tita Cory?
Kaibigan ko si Atty. Rene Saguisag at ang yumaong kabiyak nito (si Dulce Saguisag). Si Rene ay dating senador noong pangulo si Tita Cory. Si Dulce naman ay malapit kay Tita Cory. Noong early 1990s (hindi ko na matandaan ang actual date), hindi na presidente si Tita Cory noon, kinontak ako nina Dulce at Rene kung maaari ko raw sunduin sa San Francisco International Airport si Tita Cory. Galing siya sa Oregon o sa Washington State noon. Kung puwede ko raw na ihatid siya sa check-in counter para sa flight niya sa Pilipinas. Hindi na ako nagdalawang-isip pa, sinabi ko ang “oo” kaagad. Sa isip-isip ko, ini-idolo ko ang dating pangulo at isang karangalan ang makita ko siya at makausap ng personal kahit sandali lang. Kaya’t linakasan ko na ang loob ko kahit na umiral na naman ang pagka-mahiyain ko. Para kasi sa isang tulad ko, hindi ko mapapa-lampas ang pagkakataong makita at makausap ang isang Filipino na gaya ni Tita Cory.
Kahanga-hanga talaga siya. Totoo pala ang lahat ng nabasa ko tungkol sa humility niya. Kaagad siyang nagpasalamat sa offer ko na bubuhatin ko ang carry-on luggage niya. Halos manliit ako ng sabihan niya ako ng “Huwag na attorney, ako na lang, nakakahiya naman.” “It’s an honor po Madam President, idolo ko po kayo,” ang nahihiya kong sinagot sa kanya. Madali siyang makapalagayang-loob. Nang malaman niyang Kapampangan din ako, nag-usap na rin kami sa Kapampangan. Higit naging palagay ang loob ko ng maging usapan namin ang pagluluto at pagkain. Noon kasi, nakita ko siyang nag-cooking demo sa TV— yun bang dried adobo na chicken-wings na masarap na pam-pulutan at ulam. Natawa pa siya noon when I mentioned na sinubukan kong lutuin ang chicken adobo niya.
Simple lamang siya. Walang ere kahit naging presidente na siya ng Pilipinas. I have so much respect for President Cory. Her life and work gave us lessons about “sacrifice” to achieve the dreams for a better Philippines. Kung tutuusin mo, ang hirap ng kanyang dinanas. Maybahay ng isang political prisoner sa ilalim ng Martial Law (na walang katiyakan kung kailan makakalaya), naging ina ng pamilyang na-exile sa United States, matatag na biyuda pagkapaslang kay Ninoy Aquino noong 1983, matapang na kabahagi ng kilusang lumalaban sa diktadura ni Marcos pagkatapos noon— at buong puso niyang tinanggap ang kandidatura bilang pangulo laban kay Ferdinand E. Marcos noong 1986 Snap Election. Siya ang naging simbolo at lider upang magkaisa at magtagumpay ang watak-watak na oposisyon laban kay Marcos noon. Bilang pangulo, hinarap niya ang hamon ng panahon tulad ng panunumbalik ng sigla ng ekonomiya, pagbabalik ng mga democratic institutions at ang pagra-ratify ng isang makabayan at makataong Saligang-Batas para sa bansang Pilipinas. Hinarap rin niya ang hamon ng napakaraming kudeta at de-stabilization efforts laban sa gobyerno ng Pilipinas.
Isang huwaran si Tita Cory, hindi lamang sa kanyang pagsa-sakripisyo para sa kapakanan ng bayan, kundi maging sa kanyang pagkatao. Isa siyang huwarang Pilipino— maka-Diyos, makatao, tunay at totoo, malambot ang puso ngunit matatag ang loob, mabait na ina, at may tunay na malasakit sa kapakanan ng Inang Bayan. Hanggang sa huling sandali niya dito sa mundo, hindi niya tinakasan o iniwasan ang hangaring mapabuti ang lipunan at pamahalaang Pilipino. Katangi-tangi talaga si Tita Cory.
Nasa atin ng mga kamay at balikat ngayon ang pagpapalaganap ng legacy ni Tita Cory. Para sa akin, dapat lang na balikan nating mga Pilipino ang mga pangarap, mensahe at pangako ng People Power at EDSA I, dahil ito ang ipinaglaban at pinanindigan ni Tita Cory hanggang sa mga huling sandali niya dito sa mundo. Isang huwaran at makabayang Pilipino si Tita Cory. Salamat sa iyo at mabuhay ka, Pangulong Corazon C. Aquino!